Da King gagawing 'puppet' ni Angara

Inakusahan kahapon ng isang mambabatas si Senador Edgardo Angara na may pagnanasa umanong maging presidente ng bansa kaya nagpupumilit na patakbuhin si action king Fernando Poe Jr. sa 2004 presidential election.

Sinabi ni Iloilo Rep. Rolex Suplico na halatang-halata na nais na maging ‘proxy’ president ni Angara at ito ay magagawa lamang niya kapag nakaupo na sa puwesto si FPJ.

Ayon pa kay Suplico na kapartido ni Angara sa United Opposition, gagamitin lamang si FPJ ng senador bilang isang puppet.

Naniniwala si Suplico na iniisip nina Angara at Sen. Tito Sotto na walang alam sa pagpapatakbo ng bansa si FPJ kapag naluklok na ito sa puwesto at sila ang aasahan nito upang pamunuan ang bansa.

Idinagdag ng Kongresista na hindi sinuportahan ni Angara ang kandidatura ni Sen Panfilo Lacson dahil sa hindi niya ito kayang diktahan.

"Alam ni Angara na independent-minded at may strong character si Lacson kaya imposible para sa kanya na maimpluwensyahan niya ito kapag naging presidente na si Ping," ani Suplico.

Magugunitang inakusahan naman ni House Minority Leader Carlos Padilla sina Angara at Sotto na sinasabotahe ang tangkang pagkakaroon ng one-on-one meeting sa pagitan nina Lacson at Poe dahil sa pangambang pagbibigyan ng Da King si Lacson. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments