Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Vicky Toh na dapat panagutan ni Lacson ang mga paninirang ginawa nito sa kanya at sa kanyang pamilya.
Aniya, sira na ang kanyang buhay dahil sa mga sunud-sunod na mga paratang na walang batayan na sinabi ni Lacson sa loob at labas ng bulwagan ng Senado.
"Ako ay isang ordinaryong mamamayan, ngunit ngayon, kilala na ako sa buong mundo bilang kabit at may-ari ng tinatagong deposito ni First Gentleman. Hindi ako ang mga iyan at handa kong ipagtanggol ang aking reputasyon at karangalan," ayon pa sa pahayag ni Vicky na binasa ng kanyang abugadong si Atorni Gelacio Mamaril.
Sinabi pa ni Mamaril na kasalukuyang sumasailalim sa isang pagpapagamot ang kanyang kliyente matapos na payuhan ng duktor na magpahinga dahil sa nerbiyos, sama ng loob at kahihiyang dulot ng mga paratang ni Lacson.
Binulgar din ni Mamaril at ni Atorni Roberto Arca na kinumpirma ng limang bangko na binanggit ni Lacson sa kanyang privilege speech na walang nakadeposito sa pangalang Vickty Toh o pinagsamang deposito ni Toh at Jose Pidal.
Ayon kay Mamaril, nagbigay ng kumpirmasyon ang mga opisyal ng Union Bank, Banco de Oro, Philam Savings Bank, Banco Pilipino at BPI-Family bank kaugnay sa mga umanoy depositong pag-aari nina Toh, Jose Pidal, Thomas Toh at Kelvin Tan. (Ulat ni Rudy Andal)