Batay ito sa ipinalabas na resolusyon kahapon ng Court of Appeals (CA) na nagbasura sa 5-pahinang "Very Urgent Motion" na inihain kahapon ng ISAFP sa pamumuno ni Gen. Pedro Cabuay.
Una rito, inihain ang petisyon sa Korte Suprema na payagan nito na mailipat mula sa CA patungo sa AFP Commissioners Club sa general headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City ang gagawing pagdinig sa mga nakadetineng junior officers dahil "highly-security risk" ang gagawing pagbiyahe sa mga nasabing sundalo sa itinakdang pagdinig sa CA sa Lunes, Agosto 18 dakong alas-10 ng umaga.
Iginiit pa sa petisyon na mas makabubuting doon (AFP GHQ) na dinggin ang mosyon para makapagsagawa na rin ng ocular inspection doon.
Itoy upang mapatunayan na umano ng mga mahistrado kung may katotohanang napagkakaitan ng karapatang pantao ang mga rebeldeng sundalo sa nasabing kulungan ng ISAFP, partikular ang reklamong pang-aabuso gaya ng hindi sila maaaring makita ng ka-pamilya, kaibigan o abugado ng mga ito dahil walang bintana at nakatakip ang mukha kung itoy kinakausap at dinadalaw.
Matatandaang inatasan ng Korte Suprema ang CA na magsagawa ng pagdinig kaugnay sa inihaing petition for habeas corpus para kina Navy Ltsg. Antonio Trillanes, Capt. Milo Maestrecampo, Capt. Gerardo Gambala, Navy Capt. James Layug, Ltsg. Eugene Gonzales at Capt. Gary Alejano. (Ulat ni Grace dela Cruz)