Sa 94-pahinang motion for intervention, sinabi ng PIATCO na masisira ang kredibilidad ng gobyerno sa mga foreign investors kung mababalewala lang ang mahigit sa 500 milyong dolyar na ginastos sa pagpapatayo ng nasabing terminal.
Iginiit nito na hindi sapat na basehan ang naging mga pagbabago sa mga nauna nitong kasunduan sa gobyerno para ganap na ipawalambisa ang nasabing kontrata.
Binigyang diin pa rin ng grupo na walang basehan ang naging desisyon ng SC dahil sa pangamba lamang na malugi ang terminal I at II ng NAIA, gayong lumalabas na mas pinaboran ng SC ang katotohanan na mayroong 30,000 mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho.
Una nang nagpalabas ng desisyon ang SC noong May 5 na nagbabasura sa kontrata sa pagitan ng PIATCO at gobyerno. (Ulat ni Grace dela Cruz)