Ayon kay Dra. Lita Lumibao, Health Education adviser at promotion officer ng Dept. of Health (DOH) sa Region 7, ang ginang na nasa edad 30 at anak nitong isang babaing teenager ay naka-quarantine ngayon sa Northern General Hospital sa Cebu City.
Bukod sa mag-ina, naka-quarantine din sa Chong Wa Hospital ang pitong health workers na kinabibilangan ng isang doktor at anim na nurse na nagkaroon ng close contact sa mag-ina. Ang nasabing ospital ang naunang pinagdalhan sa mag-ina bago inilipat sa NGH.
Sinabi ni Dra. Lumibao, ipinasok ang mag-ina sa naturang pagamutan makaraang lagnatin na umabot sa 38 degree celcius at may ubo.
Bukod sa nasabing sintomas, may history din ang dalawa na nagbiyahe mula sa Hong Kong.
Sinabi ni Lumibao, pag-iingat lamang ang kanilang naging hakbang sa pag-quarantine sa pitong health workers, ito anyay upang makatiyak na hindi nahawaan ng SARS ang mga nasabing health workers. Hihintayin ang 10 araw na quarantine period bago tuluyang malaman kung nakakuha sila ng sakit. (Ulat ni Jhay Mejias)