Doktor na nakadiskubre ng SARS patay sa SARS

Namatay na ang doktor na nakatuklas ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) makaraang mahawahan ito ng kanyang pasyente noon lamang Biyernes ng gabi sa Hanoi, Vietnam.

Ayon kay Marilu Lingad, assistant public information officer ng World Health Organization (WHO), namatay na si Dr. Carlo Urbani, isang eksperto sa communicable disease at kauna-unahang dalubhasa ng WHO na nakatuklas ng SARS, isang buwan makaraang magamot nito ang isang American businessman sa ospital ng Hanoi na mayroong SARS.

Sinabi ni Lingad na si Urbani ay namatay noong Marso 29 matapos sa mahawaan ng killer pneumonia mula sa nasabing pasyenteng Kano.

Ayon sa WHO, dahil sa malaking tulong ni Urbani sa samahan sa kanyang mabilis na pagkadiskubre sa SARS ay agarang naalerto ang buong mundo. Anila, marami sa mga bagong kaso ng nasabing sakit ay mabilis na natukoy bago pa man nakahawa ito sa lahat ng mga hospital staff.

Sa kasalukuyan ay wala pa ring nadidiskubre ang WHO na gamot para dito.

Samantala, inabisuhan na ni Health Secretary Manuel Dayrit ang publiko na ang pneumonoccal at influenza vaccines ay hindi gamot para sugpuin ang virus ng SARS.

Sinabi ni Dayrit na walang pag-aaral na isinagawa ang mga dalubhasa na kayang kontrolin ng pneumonoccal at influenza vaccines ang pagkalat ng mikrobyo ng SARS kapag nagkaroon ang isang tao.

Dahil dito, iminungkahi ni Dayrit na ang mainam na paraan para mapigilan ang pagkapit ng virus ay palakasin ang immune system ng isang tao.

Mapapalakas ang katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga bitamina, pag-ehersisyo ng regular at pagtigil sa paninigarilyo.

Sa ngayon, kumalat na ang SARS hindi lamang sa Hong Kong, China, Singapore at Canada kundi apektado na rin ang United Kingdom, Germany, France, Finland at Ireland. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments