Ayon kay Pangulong Arroyo, inatasan na niya ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na suspindihin muna ang pagpoproseso ng mga kontrata para sa mga domestic helper patungong Hong Kong dahil sa ipinataw na pagbabawas ng HK$400 sa sahod ng mga domestic helper doon.
Inatasan din ng Pangulo si Labor Secretary Patricia Sto. Tomas na repasuhin ang kasalukuyang umiiral na mga patakaran sa pagpapadala ng mga Pinay DH at iba pang mga problemang may kinalaman sa manggagawa sa ibang bansa.
Nakatakda namang magpulong sa Biyernes ang POEA board at isa sa mga opsiyon nito na kinokonsidera ay ang paghiling na gawing polisiya na huwag aprubahan ang employment contract para sa mga Pinay DH na may buwanang sahod na bababa sa HK$3,670.
Simula sa Abril 1, 2003 ay kakaltasan ng HK$400 ang minimum wage para sa mga dayuhan.
Bunga nito, posibleng sa bansang China na lamang magpadala ng mga Filipino domestic helpers. Kabilang din ang Taiwan, Malaysia, Singapore at Japan sa mga alternatibong bansa upang dito ipadala ang mga Pinoy workers partikular na ang mga DH. (Ulat nina Lilia Tolentino/Jhay Mejias)