Batay sa isang impormante, tatlong linggo na silang pinakakain tuwing umaga ng isang Bro. Gerry para paghandaan ang gagawing people power para hindi umano ma-extradite si Jimenez.
Noong una umano ay kape at tinapay lamang ang ibinibigay sa kanila,subalit ngayon ay pinapakain na sila ng lugaw sa isang restaurant sa Luneta.
Umaabot umano sa 1,000 ang kanilang bilang maliban pa sa mga pinapakaing tambay sa Baclaran.
Pinangakuan pa umano sila ni Bro. Gerry na babayaran sila ng P 250 kada araw kapag natuloy ang people power.
Isinalaysay pa ng impormante na tuwing may mare-recruits sila ay agad nilang tinatawagan ang isang Mam Samonte sa opisina ni Jimenez sa Sta. Mesa para maisama sa payroll.
Ipinagmamalaki pa nito na nakita na niya ng personal si Mam Samonte sa mismong opisina ni Jimenez sa Sta. Mesa.
Idinagdag pa ng impormante na hindi na bago ang nasabing trabaho sa kanya dahil nagamit na rin sila noong EDSA 3 nang lusubin nila ang Malacañang.
Bagaman at hindi binanggit kung sino ang nagbayad sa kanila noong EDSA 3, bawat isa umano sa kanilang grupo ay nakatanggap ng tig- P400.
Kasama rin siya sa nahuli noong magkagulo sa Mendiola at nakulong sa Western Police District (WPD) at kahit maka-Erap ang kanilang grupo ay si Pangulong Arroyo naman ang gumawa ng paraan para sila ay makalaya.
Sa kasalukuyan ay naghihintay sila ng go-signal kung kailan isasagawa ang people power sa harap ng bahay ni Perez at ng DOJ.
Sa panig naman ni Jimenez, na totoong marami silang pinakakaing mahihirap na tao araw-araw, subalit hindi naman ito gagamitin sa people power.
Hindi aniya dapat magsagawa pa ng people power sa harap ng bahay ni Perez dahil hindi naman siya ang magdedesisyon sa kinakaharap niyang extradition case kundi ang Korte Suprema. (Ulat ni Malou Escudero)