Red alert sa Sept. 11 terror attack

Isinailalim na kahapon sa red alert ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang lahat ng mga airports, seaports, railways at telecommunication facilities sa buong bansa na posibleng targetin ng mga teroristang kaalyado ng Al-Qaeda terrorist network ni Saudi billionaire Osama bin Laden.

Ang hakbang ay kasunod na rin ng paggunita sa unang taong anibersayo ng malagim na September 11 terrorist attack sa Estados Unidos.

Kasalukuyang nagpakalat na rin ang PNP ng mga tauhan sa mga importanteng establisimyento ng pamahalaan at mga negosyo tulad ng Pandacan oil depot, MRT, LRT, NAIA at iba’t ibang mga gusali ng embahada partikular na ang US Embassy na maaaring maging sentro ng pag-atake.

Sinasabing may mga intelligence report na maaaring gumamit ng mga model airplanes ang mga terorista at kakargahan ito ng mga malalakas na pampasabog at ibabangga sa mga government, military at communication facilities.

Binabantayan rin ngayon ang mga lugar na posibleng paglunggaan ng mga terorista tulad ng Quiapo sa Maynila, Tandang Sora sa QC, Maharlika village sa Taguig, Baclaran at Caloocan.

Samantala, sinabi kahapon ni PNP-Intelligence Group director, C/Supt. Robert Delfin na matagal nang nakalabas ng bansa ang isa sa mga planner ng September 11 terrorist attack na miyembro ng Al-Qaeda na si Khaled Shaikh Mohammad, alyas Abdul Majid, bago pa man maganap ang pag-atake sa Amerika noong nakaraang taon.

Ginawa ang paglilinaw ni Delfin dahil sa pangamba na maging sentro rin ng pagsalakay ng mga terorista ang bansa sa nalalapit na anibersaryo ng pambobomba sa World Trade Center twin tower sa New York at Pentagon sa Washington.

Muling kinumpirma ni Delfin na tumira nga sa bansa si Mohammad noon pang 1995 hanggang 1996 at nagpabalik-balik pa, pero hindi pa umano ito muling nakakabalik matapos ang madugong pag-atake. (Ulat nina Joy Cantos/Danilo Garcia/Andi Garcia)

Show comments