57 foreign traffickers naaresto sa 2001

Umabot sa 1,000 kilo ng shabu na tinatayang aabot ng P2 bilyon ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa 57 dayuhang drug traffickers sa nakalipas na taon, ayon kay Senate Majority Leader Loren Legarda-Leviste na opisyal ng Citizens DrugWatch Foundation.

Itinuring ni Sen. Legarda na ang pinakamalaking drug bust sa nakaraang taon ay ang pagkakakumpiska sa may 498 kilo ng shabu mula sa isang Chinese national at isang municipal mayor sa lalawigan ng Quezon.

Sumunod na pinakamalaking drug bust ay ang pagkakaaresto sa 3 Chinese nationals kung saan ay nakumpiska sa mga ito ang 350 kilo ng shabu sa Zambales.

Mula sa 57 foreigners na nadakip sa nakalipas na taon, 43 dito, kabilang ang dalawang Chinese women ang posibleng maharap ngayon sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection dahil sa large-scale na drogang nakumpiska sa mga ito.

Tinatayang 2/3 naman ng mga naarestong dayuhan ay nagmula sa People’s Republic of China, wika pa ni Legarda.

Umapela rin ang Senate Majority Leader sa kanyang mga kasamahang mambabatas na suportahan ang kanyang panukala ng mga bagong pamamaraan upang masugpo nang tuluyan ang suliranin ng bansa dahil sa droga.

Aniya, bukod sa panukalang anti-racketeering at international crime organization na itinulad sa anti-Rico Law ng US, iminungkahi rin ni Legarda ang pag-aalis sa pribilehiyo ng isang drug suspect para sa probation at ang mandatory confinement naman o rehabilitasyon sa mga drug users.

Iginiit din ng lady solon na magkaroon ng permanenteng special crime court na exclusive na didinig sa mga drug cases upang mapabilis ang paglilitis sa mga ito.

Nakapaloob din sa panukalang ito ni Legarda ang pagkakaroon ng karagdagang state-run na drug rehabilitation centers at mandatory preventive drug education sa mga paaralan. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments