Sa isang phone interview, sinabi ni Col. Rafael Cardeno, chairman ng Young Officers Union at kasalukuyang LTO operations chief, tsismis lang ang mga balitang magsasagawa sila ng destabilization plot laban sa kasalukuyang pamahalaan.
Binigyang diin ni Cardeno na patuloy nilang sinusuportahan ang katatagan ng gobyernong Arroyo at kung meron mang planong magsagawa ng kudeta laban dito ay hindi nila ito alam at wala silang partisipasyon dito.
Kabilang ang YOU sa tatlong grupo na minamanmanan ngayon ng PNP kaugnay ng umanoy planong kudeta.
Inatasan rin ni PNP Chief Director General Leandro Mendoza si PNP-Intelligence Group Director, P/Chief Supt. Robert Delfin na bantayan ang kilos ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM) at Peoples Movement Against Poverty (PMAP).
Ang PMAP ay pinamumunuan ni Ronald Lumbao, ang YOU ay kinakatawan ni Baron Cervantes habang ang RAM ay sa ilalim naman ng pangangasiwa ni ret. Navy Capt. Prospero Maligalig.
Lumutang ang tatlong grupo matapos ibulgar ng YOU ang naganap na pagpupulong ng mga ito sa Puerto Azul sa Cavite para pag-usapan umano ang planong kudeta.
Kasabay nito ay inamin ni Senador Gregorio Honasan na nagpulong nga ang RAM at kaalyado nitong YOU bago mag-Pasko pero ito ay upang maglatag ng solusyon sa lumalalang problema ng ating bansa.
Hiniling ni Sen. Honasan kay Pangulong Arroyo na huwag intindihin ang bantang kudeta dahil walang basehan ito at nagiging sagabal lamang sa paglutas sa suliraning kinakaharap ng bansa.
Kasabay nito ay tiniyak ni acting AFP Spokesman, Phil. Marine Brig. Gen. Emmanuel Teodosio na hindi magtatagumpay ang anumang grupo na magtatangkang ibagsak ang kasalukuyang gobyerno dahil handa ang puwersa ng militar na durugin ito.
"They should put an end to this destabilization effort and to echo to them the AFP remain solid and behind the presidency and we are ready to crush any coup attempt if there will ever be," pahayag ni Teodosio.