Kinilala nina BI Intelligence Officers Maximo So at Peter Tan ang apat na Sri Lankans na sina Subramanian Ragunathan, 27; Franci Theoginus Pathinathan, 27; Arulmani Jesuthsan, 21 at Shammuganhan Thayanantharajh, 20.
Ang apat ay dumating sa NAIA sakay ng Singapore Airlines flight SQ 072.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga Sri Lankans ay nakapila sa immigration lane sa arrival area na may kakaibang ikinikilos at tila mga balisa.
Nang sila ay tanungin kung ano ang pakay nila sa Pilipinas, sumagot ang isa sa mga ito na sila ay mga turista, ngunit wala naman silang maipakitang sapat na pera upang tustusan ang kanilang pamamalagi sa bansa.
Hinihinala ng mga awtoridad na gagawin lamang ng apat ang Pilipinas bilang jump-off point sa kanilang pagtungo sa Amerika.
Sinabi ni Danilo Almeda, BI Head Supervisor sa NAIA na ito ang modus operandi ng mga dayuhan tulad ng mga Pakistani, Bangladeshi, Indians at mga Intsik sa kanilang pagpunta sa Europa at Estados Unidos.
Agad ipinag-utos ni Almeda ang paglagay ng apat sa exclusion order at agarang pagpapatapon sa mga ito. (Ulat ni Butch M. Quejada)